Tuesday, 8 October 2013

Buhay

     Hindi nga naman lahat aayon sa iyong plano. Gaano man ang paghahanda mo para sa iyong kinabukasan kung may nakatakda talagang mangyari hindi mo ito mapipigilan. Ang mga planong iyong binuo para makaiwas sa bagyo ng buhay ay hindi mo kayang takasan. Sapagkat walang sinuman ang nagsabi na sila ay nagkaroon ng perpektong buhay, walang sinuman ang nagsabi na hindi sila nakaranas ng hirap at kabiguan at walang sinuman sa mundong ibabaw ang nagsabing ang mga luha nya ay kailanman hindi tumila.

     Iisang bagay lang naman ang lagi nating pakatandaan. At iyon ay ang matutong tumanggap sa kung ano man ang magaganap. Hindi mo ito maaring takasan sapagkat kakambal iyan ng iyong buhay. Tulad na lamang ng isang mahalimuyak na bulaklak at napakagandang paro- paro. Kung pakiramdam mo ay hindi mo na kaya at sa tingin mo wala ng silbi ang iyong buhay tanungin mo uli ang iyong sarili kung bakit ka nilikha. Sa pagkakataong nalaman mo na ang kasagutan sa tanong wag ka ng magdalawang- isip pa, bawiin ang iyong mga isinambit at baguhin ang maling pananaw. Ang buhay ay para lamang gulong. Minsan nasa ibaba, minsan nasa itaas pero ang mahalaga nagpatuloy ka sa pag- ikot upang sa ganun makarating sa iyong paroroonan.

No comments:

Post a Comment